Wednesday, October 31, 2012

Undas.

Nakikita natin sa balita na dumarami na muli ang mga tao sa sementeryo. Marmi ding umaalis papuntang probinsya upang bisitahin ang mga mahal sa buhay na yumao na at inilibing sa probinsya. Pero, inaalala ba natin talaga ang tunay na ibig sabihin ng Undas? Bakit kaya ang dami pa ring naiiwan na basura matapos ang Undas? Bakit maraming nagpupuslit ng alak sa sementeryo? Bakit ang dami-daming kung anu-anong bagay ang dinadala sa loob ng sementeryo? Hindi ba dapat ay ang dala lang natin ay kandila, bulaklak, rosaryo at siguro upuan at pagkain? Ang paggugunita ng Undas ay 'di nadadaan sa kung ano ang iskor mo sa pagkanta ng 'I Will Always Love You' sa Karaoke o sa pagkuwento ukol sa mga tsimis tungkol sa mga artista. Ang Undas ay ang pagbigay ng respeto sa ating mga yumaong mahal sa buhay. Simple lang ang pagbigay ng respeto. Katahimikan at dasal ay pawang sapat upang mabigyan sila ng respeto. Alalahanin natin na ang Undas ay panahon para sa patay. Hindi para mag-karaoke o mag-tsismis o mag-inuman.

Tuesday, October 30, 2012

Ospital.

OSPITAL.
Larawan ay nakuha sa: iceycodez.blogspot.com
Nilagnat ako. Nagtagal ito ng ilang araw kung kaya't dinala ako sa ospital. Matanda na ang ospital. Nakakadiri tuloy ito tingnan. Sinabi ng doktor na kailangan kong manatili sa ospital ng iilang araw upang mapasuri nang mas maayos. Ang kapatid kong nakatatanda ay nagsilbing taga-bantay sa akin dahil ang magulang namin ay pumuntang Cebu para sa trabaho. Kadalasa'y wala ang aking kapatid dahil kailangan niyang pumasok kung kaya't naiiwan ako sa kuwarto. Isang gabi ay bigla ako nauhaw. 'Di ko na ginising ang kapatid ko dahil maaga pa siya papasok bukas. Lumabas ako dala-dala ang sabitan ng dextrose. 'Di ako napansin ng mga nars dahil may inaabala sila. Pumunta ako sa pantry upang kumuha ng tubig. Nainis ako dahil ubos na ang tubig sa dispenser. Kailangan ko pa tuloy bumaba ng isang palapag upang kumuha na lamang ng tubig doon. Kakaiba yung palapag na kinunan ko ng tubig. Madilim siya. Mga dalawa o tatalong ilaw lang ang nakabukas. Tapos, dalawa lang ang nars sa front desk na sobrang tahimik. Wala kang maririnig kundi ang mga telebisyong nakabukas sa mga kuwarto. Medyo ako natakot sa palapag na iyon dahil ako lang ang nasa labas subalit, 'di man lang nila ako pinansin. 'Di naman sila mukhang abala. Sumakay muli ako sa elevator upang bumalik sa kuwarto. Pero, di ako nakarating sa palapag ko. Napunta ako sa mas mababang palapag. Doon naman, lahat ng ilaw ay nakabukas at maraming tao pero sobra namang tahimik tapos yung suot nila ay parang pang-sinauna pa. Natakot ako ng todo kaya agaran kong sinara ang pinto ng elevator. Buti nalang ay nakarating na ako sa palapag kung saan ang kuwarto ko. Ngayon, 'di na abala yung mga nars at nagulat sila sakin. Tinanong nila ako kung bakit ako nasa labas. Sabi ko naman ay kinailangan ko ng tubig pero wala kung kaya't pumunta ako sa baba. Pinagalitan nila ako na may halong takot ang tono. Sinabi nila bakit ko daw ginawa yun sa oras na ito. Sabi ko naman ay wala akong alam. Sabi ko, napansin ko lang na sobrang tahimik at kaunti ang nars tapos madilim. Kinuwento ko din sa kanila ang pagpunta ko sa mas mababang palapag na may maraming tao. Nagalit pa sila lalo sa akin. Sinabi nila na dapat 'di ko daw gawin yun. Tinanong ko kung bakit. Nagkatinginan sila sa isa't isa at may isang lumapit sa akin. Kinuwento niya na ang ospital na ito ay ginamit noong WWII. Marami daw namatay dito at dahil sa madami nang patay na katawan, kinailangang ilibing mismo sa lupa ng ospital ang mga katawan. Kinilala ang mga ito bilang 'lost souls' dahil wala man lang silanmg pormal na libing at walang mitso. Marami tuloy na mga multo ang naglalakad sa mga palapag ng ospital lalo na daw sa dalawang palapag na napuntahan ko. Ang mga inakala ko daw na nars ay patay na at wala talagang nagbabantay sa palapag na iyon. Doon naman sa maraming tao na nakita ko ay ang mga taong nawalan na ng buhay sa ospital. Ang pinaka nakakatakot ay nang sabihin nung nars na wala talagang palapag na ganun sa ospital. Matagal nang sarado ang palapag kung saan nakakita ako ng maraming tao. Yung oras daw na iyon ay kung saan nagmumulto talaga ang mga multo ng WWII at binubuhay muli ang palapag na iyon. Gabi-gabi ay pinagdadasalan ng mga nars na iyon ang mga 'lost soul' na hindi sila saktan at magsilbi sana ang mga 'lost soul' na tagabantay sa ospital. Sumali ako sa pagdadasal nila hanggang magising na ang kapatid ko. 'Di ko namalayang umaga na pala. Bumalik ako sa kuwarto at natulog buong umaga. Pagkagising ko ay muling sinuri ako ng mga nars at doktor at sinabi nilang wala na akong sakit.

Friday, October 19, 2012

Si Pedro Calungsod.

Sino ang isa pang Pinoy na gagawing santo ngayong linggo? Siya si Pedro Calungsod (Paumanhin kung walang larawan). Itong batang ito ay kilala bilang isang kumbaga tagapagtanggol sa isang paring napakalapit sa kaniyang puso. Kahit 'di siya nagtagumpay, naging mahalaga ang kaniyang ginawa dahil ibinuwis niya ang sarili niyang buhay para maligtas ang isang pari. Dahil sa kaniyang kabayanihan, siya'y tinuring isang "Blessed" noong taong 2000. Marami sa mga tao, bata man o matanda, ay humahanga sa kabayanihan ng batang ito na iilang araw lang ay magiging santo na. Nakakatuwa bilang isang Pinoy na magkaroon ng pangalawang santo. Ito siguro ay magsisilbing simula ng pagdami pa lalo ng mga Pinoy na santo. Mabuhay ka Pedro Calungsod! ^_^

Tuesday, October 9, 2012

!

http://www.youtube.com/watch?v=IOpJAG1_OSo

Ito nanaman. Isang masakit na pahayag galing sa paaralang tinuring naming kuya. Naiintindihan ko ang nararamdaman ng manunulat, subalit, medyo masakit o lumagpas na sa linya ang mga ginamit niyang salita. Sana isipin naman ng manunulat na nasasaktan din kami. Dapat sa palakasan lang ang away pero kahit palakasan ay di ganoon kalala. Umayos ka Kuya. Panganay ka pa naman.

Friday, October 5, 2012

Guro.


Para sa mga taong
pumapasok araw-araw
upang magturo
sa mga bata

Para sa mga taong
gumabay sa aming paglaki.
Sa mga tumulong sa amin
upang makamit ang ninanais

Para sa mga taong
nagpatawa
nagpaiyak
nagpangiti
at
nagmahal

Para sa mga taong
pinakikinggan namin
halos araw-araw
upang magkaroon
ng magandang kinabukasan

Para sa mga taong
nagsilbing pangalawang magulang.
Nagbigay sa wala.
Tumulong sa nahihitapan.
Nagmahal sa mga miserable.

Para sa mga taong
nagsilbing gabay
nagsilbing magulang
at
nagsilbing isang guro

Para sa mga guro,
maraming
maraming
maraming 
salamat po
sa inyong tulong, sakripisyo at pagmamamahal.

Maligayang araw ng mga guro!

Ginang Del Pilar, Binibining Peralta, Ginang Andrada, Ginoong Quodala, Ginoong Maymay, Ginang Blanco, Ginoong Ignacio, at ang aking kasalukuyang tagapayo, si Binibining Ani.

Lubos ang pasasalamat ko sa inyo!

Thursday, October 4, 2012

AHS Entrance Test.

Naalala ko noong ako'y nasa ika-pitong baitang. Lahat ng nagnais na mag-aral sa mataas na paaralan ng Ateneo ay kinakailangang sumagot ng Entrance Test. Kung ika'y nasa ika-pitong baitang ng Ateneo ngayon, sumagot ka ng isang Mock Test ilang linggo bago ang mismong pagsusulit. Dahil ginawa ito ng mga guro ng paaralan, malamang ay mahirap ito. Naalala ko noong kinuha ko ang mock test na yon. Ang hirap! Di ko natapos! Buti na lang ay di ito markado pero natakot pa rin ako dahil naisip ko na kung di ko natapos sa Mock Test, ano pa kaya kung sa mismong pagsusulit? Mga ilang araw bago ang pagsusulit, nagbigay ang guro namin ng iilang mga payo kung ano ang gagawin. Ito ang ilan sa mga sinabi niya:

1) Magdala ng kendi. Dapat maliit lang tulad ng Mentos, Tic-tac, atbp. (Iwasan ang bubble gum at mga kending mahirap kainin.)

2) Huwag kumain ng kaunti o masyado. Dapat sapat lang ang pagkain para tumagal ito ng dalawang oras bago ka magutom uli.

3) Iwasang uminom ng maraming tubig. Kung ako ang tatanungin, hindi magiging sapat ang limang minutong break upang makapag-banyo dahil sa haba ng linya. Huwag ka ng uminom ng tubig dalawang oras bago ang pagsusulit.

4) Matulog ng maayos. Mag-relax ka. Siguraduhing 'di ka puyat o stressed upang maiwasan ang pagkalimot ng iyong 'stock knowledge'.

5) Ito ay payo lamang na magagawa lamang sa ilalim ng desperadong dahilan. Kapag ika'y, mauubusan o naubusan na ng oras sa pagasasagot ng isang bahagi ng pagsusulit, balikan ito ng pasikreto at sagutin ang C. Pero ito ay gagawin lamang kung desperado ka na talaga.

Kapag ginawa mo lahat 'to (maliban nalang ang bilang lima), siguradon makakasa mo yan at makikita kita sa mataas na paaralan sa susunod na taon.

Good luck! :)

Wednesday, October 3, 2012

RA 10175


Batas siya.

Wala kang magagawa.

Dahil ang kalaban mo

ang gobyerno.

Isang katawan na

may kapangyarihan.

Kalbo man o walang

pagka-orihinal,

wala kang magagawa

sa taong

di marunong

mag-mahal

dahil,

ang iniintindi

nila

ay

ang

SARILI

lamang.

Walang

pagmamalasakit

sa taong

may malubhang

sakit.

Kaawa-awa nga.

Kala ko ko pa naman,

matatahak na natin

ang tuwid na daan.

*WAKAS*