Wednesday, October 31, 2012

Undas.

Nakikita natin sa balita na dumarami na muli ang mga tao sa sementeryo. Marmi ding umaalis papuntang probinsya upang bisitahin ang mga mahal sa buhay na yumao na at inilibing sa probinsya. Pero, inaalala ba natin talaga ang tunay na ibig sabihin ng Undas? Bakit kaya ang dami pa ring naiiwan na basura matapos ang Undas? Bakit maraming nagpupuslit ng alak sa sementeryo? Bakit ang dami-daming kung anu-anong bagay ang dinadala sa loob ng sementeryo? Hindi ba dapat ay ang dala lang natin ay kandila, bulaklak, rosaryo at siguro upuan at pagkain? Ang paggugunita ng Undas ay 'di nadadaan sa kung ano ang iskor mo sa pagkanta ng 'I Will Always Love You' sa Karaoke o sa pagkuwento ukol sa mga tsimis tungkol sa mga artista. Ang Undas ay ang pagbigay ng respeto sa ating mga yumaong mahal sa buhay. Simple lang ang pagbigay ng respeto. Katahimikan at dasal ay pawang sapat upang mabigyan sila ng respeto. Alalahanin natin na ang Undas ay panahon para sa patay. Hindi para mag-karaoke o mag-tsismis o mag-inuman.

Tuesday, October 30, 2012

Ospital.

OSPITAL.
Larawan ay nakuha sa: iceycodez.blogspot.com
Nilagnat ako. Nagtagal ito ng ilang araw kung kaya't dinala ako sa ospital. Matanda na ang ospital. Nakakadiri tuloy ito tingnan. Sinabi ng doktor na kailangan kong manatili sa ospital ng iilang araw upang mapasuri nang mas maayos. Ang kapatid kong nakatatanda ay nagsilbing taga-bantay sa akin dahil ang magulang namin ay pumuntang Cebu para sa trabaho. Kadalasa'y wala ang aking kapatid dahil kailangan niyang pumasok kung kaya't naiiwan ako sa kuwarto. Isang gabi ay bigla ako nauhaw. 'Di ko na ginising ang kapatid ko dahil maaga pa siya papasok bukas. Lumabas ako dala-dala ang sabitan ng dextrose. 'Di ako napansin ng mga nars dahil may inaabala sila. Pumunta ako sa pantry upang kumuha ng tubig. Nainis ako dahil ubos na ang tubig sa dispenser. Kailangan ko pa tuloy bumaba ng isang palapag upang kumuha na lamang ng tubig doon. Kakaiba yung palapag na kinunan ko ng tubig. Madilim siya. Mga dalawa o tatalong ilaw lang ang nakabukas. Tapos, dalawa lang ang nars sa front desk na sobrang tahimik. Wala kang maririnig kundi ang mga telebisyong nakabukas sa mga kuwarto. Medyo ako natakot sa palapag na iyon dahil ako lang ang nasa labas subalit, 'di man lang nila ako pinansin. 'Di naman sila mukhang abala. Sumakay muli ako sa elevator upang bumalik sa kuwarto. Pero, di ako nakarating sa palapag ko. Napunta ako sa mas mababang palapag. Doon naman, lahat ng ilaw ay nakabukas at maraming tao pero sobra namang tahimik tapos yung suot nila ay parang pang-sinauna pa. Natakot ako ng todo kaya agaran kong sinara ang pinto ng elevator. Buti nalang ay nakarating na ako sa palapag kung saan ang kuwarto ko. Ngayon, 'di na abala yung mga nars at nagulat sila sakin. Tinanong nila ako kung bakit ako nasa labas. Sabi ko naman ay kinailangan ko ng tubig pero wala kung kaya't pumunta ako sa baba. Pinagalitan nila ako na may halong takot ang tono. Sinabi nila bakit ko daw ginawa yun sa oras na ito. Sabi ko naman ay wala akong alam. Sabi ko, napansin ko lang na sobrang tahimik at kaunti ang nars tapos madilim. Kinuwento ko din sa kanila ang pagpunta ko sa mas mababang palapag na may maraming tao. Nagalit pa sila lalo sa akin. Sinabi nila na dapat 'di ko daw gawin yun. Tinanong ko kung bakit. Nagkatinginan sila sa isa't isa at may isang lumapit sa akin. Kinuwento niya na ang ospital na ito ay ginamit noong WWII. Marami daw namatay dito at dahil sa madami nang patay na katawan, kinailangang ilibing mismo sa lupa ng ospital ang mga katawan. Kinilala ang mga ito bilang 'lost souls' dahil wala man lang silanmg pormal na libing at walang mitso. Marami tuloy na mga multo ang naglalakad sa mga palapag ng ospital lalo na daw sa dalawang palapag na napuntahan ko. Ang mga inakala ko daw na nars ay patay na at wala talagang nagbabantay sa palapag na iyon. Doon naman sa maraming tao na nakita ko ay ang mga taong nawalan na ng buhay sa ospital. Ang pinaka nakakatakot ay nang sabihin nung nars na wala talagang palapag na ganun sa ospital. Matagal nang sarado ang palapag kung saan nakakita ako ng maraming tao. Yung oras daw na iyon ay kung saan nagmumulto talaga ang mga multo ng WWII at binubuhay muli ang palapag na iyon. Gabi-gabi ay pinagdadasalan ng mga nars na iyon ang mga 'lost soul' na hindi sila saktan at magsilbi sana ang mga 'lost soul' na tagabantay sa ospital. Sumali ako sa pagdadasal nila hanggang magising na ang kapatid ko. 'Di ko namalayang umaga na pala. Bumalik ako sa kuwarto at natulog buong umaga. Pagkagising ko ay muling sinuri ako ng mga nars at doktor at sinabi nilang wala na akong sakit.

Friday, October 19, 2012

Si Pedro Calungsod.

Sino ang isa pang Pinoy na gagawing santo ngayong linggo? Siya si Pedro Calungsod (Paumanhin kung walang larawan). Itong batang ito ay kilala bilang isang kumbaga tagapagtanggol sa isang paring napakalapit sa kaniyang puso. Kahit 'di siya nagtagumpay, naging mahalaga ang kaniyang ginawa dahil ibinuwis niya ang sarili niyang buhay para maligtas ang isang pari. Dahil sa kaniyang kabayanihan, siya'y tinuring isang "Blessed" noong taong 2000. Marami sa mga tao, bata man o matanda, ay humahanga sa kabayanihan ng batang ito na iilang araw lang ay magiging santo na. Nakakatuwa bilang isang Pinoy na magkaroon ng pangalawang santo. Ito siguro ay magsisilbing simula ng pagdami pa lalo ng mga Pinoy na santo. Mabuhay ka Pedro Calungsod! ^_^

Tuesday, October 9, 2012

!

http://www.youtube.com/watch?v=IOpJAG1_OSo

Ito nanaman. Isang masakit na pahayag galing sa paaralang tinuring naming kuya. Naiintindihan ko ang nararamdaman ng manunulat, subalit, medyo masakit o lumagpas na sa linya ang mga ginamit niyang salita. Sana isipin naman ng manunulat na nasasaktan din kami. Dapat sa palakasan lang ang away pero kahit palakasan ay di ganoon kalala. Umayos ka Kuya. Panganay ka pa naman.

Friday, October 5, 2012

Guro.


Para sa mga taong
pumapasok araw-araw
upang magturo
sa mga bata

Para sa mga taong
gumabay sa aming paglaki.
Sa mga tumulong sa amin
upang makamit ang ninanais

Para sa mga taong
nagpatawa
nagpaiyak
nagpangiti
at
nagmahal

Para sa mga taong
pinakikinggan namin
halos araw-araw
upang magkaroon
ng magandang kinabukasan

Para sa mga taong
nagsilbing pangalawang magulang.
Nagbigay sa wala.
Tumulong sa nahihitapan.
Nagmahal sa mga miserable.

Para sa mga taong
nagsilbing gabay
nagsilbing magulang
at
nagsilbing isang guro

Para sa mga guro,
maraming
maraming
maraming 
salamat po
sa inyong tulong, sakripisyo at pagmamamahal.

Maligayang araw ng mga guro!

Ginang Del Pilar, Binibining Peralta, Ginang Andrada, Ginoong Quodala, Ginoong Maymay, Ginang Blanco, Ginoong Ignacio, at ang aking kasalukuyang tagapayo, si Binibining Ani.

Lubos ang pasasalamat ko sa inyo!

Thursday, October 4, 2012

AHS Entrance Test.

Naalala ko noong ako'y nasa ika-pitong baitang. Lahat ng nagnais na mag-aral sa mataas na paaralan ng Ateneo ay kinakailangang sumagot ng Entrance Test. Kung ika'y nasa ika-pitong baitang ng Ateneo ngayon, sumagot ka ng isang Mock Test ilang linggo bago ang mismong pagsusulit. Dahil ginawa ito ng mga guro ng paaralan, malamang ay mahirap ito. Naalala ko noong kinuha ko ang mock test na yon. Ang hirap! Di ko natapos! Buti na lang ay di ito markado pero natakot pa rin ako dahil naisip ko na kung di ko natapos sa Mock Test, ano pa kaya kung sa mismong pagsusulit? Mga ilang araw bago ang pagsusulit, nagbigay ang guro namin ng iilang mga payo kung ano ang gagawin. Ito ang ilan sa mga sinabi niya:

1) Magdala ng kendi. Dapat maliit lang tulad ng Mentos, Tic-tac, atbp. (Iwasan ang bubble gum at mga kending mahirap kainin.)

2) Huwag kumain ng kaunti o masyado. Dapat sapat lang ang pagkain para tumagal ito ng dalawang oras bago ka magutom uli.

3) Iwasang uminom ng maraming tubig. Kung ako ang tatanungin, hindi magiging sapat ang limang minutong break upang makapag-banyo dahil sa haba ng linya. Huwag ka ng uminom ng tubig dalawang oras bago ang pagsusulit.

4) Matulog ng maayos. Mag-relax ka. Siguraduhing 'di ka puyat o stressed upang maiwasan ang pagkalimot ng iyong 'stock knowledge'.

5) Ito ay payo lamang na magagawa lamang sa ilalim ng desperadong dahilan. Kapag ika'y, mauubusan o naubusan na ng oras sa pagasasagot ng isang bahagi ng pagsusulit, balikan ito ng pasikreto at sagutin ang C. Pero ito ay gagawin lamang kung desperado ka na talaga.

Kapag ginawa mo lahat 'to (maliban nalang ang bilang lima), siguradon makakasa mo yan at makikita kita sa mataas na paaralan sa susunod na taon.

Good luck! :)

Wednesday, October 3, 2012

RA 10175


Batas siya.

Wala kang magagawa.

Dahil ang kalaban mo

ang gobyerno.

Isang katawan na

may kapangyarihan.

Kalbo man o walang

pagka-orihinal,

wala kang magagawa

sa taong

di marunong

mag-mahal

dahil,

ang iniintindi

nila

ay

ang

SARILI

lamang.

Walang

pagmamalasakit

sa taong

may malubhang

sakit.

Kaawa-awa nga.

Kala ko ko pa naman,

matatahak na natin

ang tuwid na daan.

*WAKAS* 

Tuesday, October 2, 2012

Cyber Crime Law

Nang mabuksan ang Twittor ko, nakita ko kaagad ang isang trend na nakakuha ng aking atensyon. Ito ang#NoToCyberCrimeLaw
Marami (kasama na ako) ang tutol sa batas na ito. Bakit kaya?
Ang simpleng sagot diyan ay KALAYAAN. Bilang isang manunulat
(feeler ako) , 'di ko nagustuhan ang batas na ginawa ng ating
napakatinong gobyerno. Una'y makikiaway ito sa isa sa mga batas
na nagsasaad ng kalayaan ng pagsasalita. Pangalawa'y mawawalan
ng 'privacy' ang isang taong may Facebook, Twitter, Blogger, Tumblr,
atbp. At pangatlo'y, kaaway ng gobyerno ang buong Pinas. Mahirap
bilang isang manunulat na mawalan ng kalayaang maglahad ng
OPINYON ukol sa isang isyu negatibo man ito o positibo. Kahit ako'y
bata pa, nais ko pa rin mabigyan ng kalayaan upang makalahad ng mga
saloobin. Ito pa! Mayroong ayronik na bagay dito. Si Ninoy Aquino
ay nagnais ng kalayaang makapagsalita pero ano ginawa ng Anak niya?
Gumawa ng batas na makikidigma sa nais ng tatay niya. Kung sakaling
matupad ito, ito ay isang magandang halimbawa ng epekto nito:

Juan: Pedro, pano ka napunta sa bilangguan?

Pedro: May status akong naka-apekto sa isang kaibigan ko eh kaya't 
nandito ako ng kalahating taon.

Juan: Eh ano bang status na yan?

Pedro: "May mga taong di makatiis kumain"

Juan: Eh sino ang nagpadala sayo dito?

Pedro: Si Boy. Yun bang mahilig sa litson.

Mensahe ko sa gobyerno? Ito lamang: "GUMAWA NANG MAAYOS ANG TRABAHO.
'WAG GUMAWA NG ISANG EWANG BATAS NA ALAM NIYO NAMANG 'DI MAKABUBUTI
SA NAKARARAMI."

Maraming salamat sa inyong pagbasa.

Friday, September 28, 2012

Ang AGS Fair.

Ito ang tatlong araw na pinaka-kinasasabikan ng mga Grade School, High School at Kolehiyo. Ito ang taun-taong perya ng Ateneo Grade School. Kilala ito bilang sa pinaka masayang perya kumpara sa iba (opinyon ko). Dahil naging mag-aaral na ako ng Grade School, alam na alam ko na ang mga nangyayari sa taun-taong fair na ito. Isa isahin natin.

Mga Tao:
1)Mga nagsusulit ng pera.
-Ito ang mga taong makikita mong may bughaw na labi (dahil sa snow cone), may salamin na peke, may premyo galing sa parlor games at halos ubos na ang pera sa unang araw. Kadalasa'y makikita mo silang nasa bazaar o sa main driveway kung saan ang mga rides.

2)Mga nagtitipid.
-Ito yung halos walang ginagastos at mas nagugustuhang makipag-bonding sa mga kaibiga't guro. Minsan umaasa lamang sila sa mga kaibigan upang makasakay sa ride. Kadalasa'y makikita mo sila sa silid-aralan o nakaupo lang sa hardin ng Holy Family.

Mga Pangyayari:
1)Bagong ride at/o booth at/o food stall.
-Taun-taon, palaging may bago na ride, booth at food stall na minsan dudumugin o minsan ay wala talagang sumasakay o bumibili.

2)Contest, Attraction, Tema.
-Palaging paiba-iba ang mga tema kada taon. Ang contest naman, maaring ito ay pagandahan sa pagkanta, pagguhit, pagkain at iba pa. Marami ding pampagana ng kalooban tulad nalang ng mga artistang bumibisita o mascot na kumukuha ng atensyon. Kadalasan, malalaman mong may artista kung may mga nagtatakbuhan at naghihiyawan.

Ito ay dalawa lang sa marami ko pang mga kaalaman sa peryang ito pero upang di na ako maka-inip, titigil na ko sa dalawa. Bilang mag-aaral ngayon sa Mataas na Paaralan, nakaka-miss talaga ang Grade School kung kaya't ang peryang ito ay isang pagkakataon upang mabisita ang lugar na pitong taon kong nanirahan.

Tuesday, August 21, 2012

Kape o Kapé?

KAPE: Maaga kang nagigising sa umaga dahil papunta ka ng trabaho o paaralan. Kahit ano pa ang gusto mo, matamis o matapang, pareho ay napakasarap. Napakasarap ang ganitong klaseng kape dahil purong-puro at MURA pa.

KAP
È: Gabi na. Pagod na pagod ka na. Sa kaliwang kamay, may hawak kang laptop (specifically: MacBook). Sa kanan naman, isang munting aklat. Pumasok ka sa isang Coffee Shop at nag order ka ng  isang Le Grande Il Puro La Americano con Chocolate la Itlog. Umupo ka sa isang sulok kung saan katabi mo ang bintana at pag ika'y makita ng mga kaibigan mo aakalahin nilang puno ang kamay mo dahil may laptop ka na nga tapos nagbabasa ka ng aklat tapos umiinom ka pa ng Le Grande Il Puro La Americano con Chocolate la Itlog. Pero yun pala, nagyayabang ka lang at nagmumukha kang ewan na umiinom ng kape na napakamahal tapos hindi pa masarap.

O ano ang pipiliin mo? Kape o Kapé?

Opinyon: RH Bill

Tulad ng nakararami, wala akong alam kung saan tungkol ang RH Bill. Ang alam ko lang ay ito ay tungkol sa mga "contraceptives". Dahil konti lang ang alam ko at tinatamad pa akong magsulat ito lang ang masasabi ko: Ating isipin, kilalang kilala ang Pilipinas dahil ito ay isa sa dalawang Katolikong bansa. Kapag na-legalize ba natin ang paghuhulog o kung ano man yun, magiging mas matino ba tayo? Hindi ba'y nais natin panatilihin ang kabanalan ng bansa natin? Alam ko nahihirapan na tayo dahil lalong sumisikip ang bansa pero dapat ba ang iniintindi natin ang ekonomiya kaysa sa relihiyon? Hindi ata.

Monday, August 6, 2012

Minsan Lang Ang Kaligayahan

Isa akong lolo. 67 ang edad ko. Nakatira lamang ako sa Tondo. Mayroon akong apat na anak pero iniwan na ako ng lahat. Ang asawa ko ay pumanaw na. Kasama ko sa bahay ko ang aking apo na 16 na taong gulang. Siya ang nagtatrabaho para mabuhay kaming dalawa. Masaya na ako sa buhay namin. Simple lamang. Minsan mahirap pero ganun talaga. Kailangan lang magtiis dahil hindi naman lahat ay nabuhay na may corona sa ulo. Katoliko ako. Kadalasa'y nasa simbahan kung walang magawa sa bahay. Dinadasal ko na maging masaya. Buti nalang at di pinapabayaan kaming dalawa. Sa kabila ng kahirapan, hinahanap ko ang kaligayahan sa maliliit na bagay. Sa paggising sa umaga, sa tinapay na almusal at sa buhay ng aking minamahal na apo. Pero humirap ang buhay namin nang may trahedyang nangyari ilang buwang nakaraan. Ang apo ko ay bigla nalang nahimatay noong kumakain kami. Humingi ako ng tulong sa kapitbahay na idala kaagad sa ospital. Doon ko lang nalaman na mayroon na palang Kanser ang minamahal kong apo. Tinanong ko sa doktor kung may magagawa pa pero tiningnan lang niya ako at sinabing, "Tay, ang mga bagay ay nangyayari ayon sa gusto ng Diyos". Napaluha ako ng todo. Napilitan akong humingi ng kahit konting tulong sa simbahan. Nabigay lang nila ay limang daan na makakabili lang ng iilang gamot at isang maliit na bote ng tubig. Nagdasal ako ng nagdasal dahil naniniwala akong may pag-asa. Ilang araw na pamamalagi ko sa ospital, nalaman ko na hindi na kinaya ng apo ko ang bigat at siya'y bumigay. Humina ako ng todo at nawalan na ng gustong mabuhay. Pero inisip ko na hindi sagabal ang pagpanaw ng apo ko na mabuhay pa rin. Sa puntong iyon, himingi na talaga ako ng milagro sa Diyos. Naghintay ako at naghintay at isang araw may bumisita sa bahay ko. Nakita ko na ang bisitang iyon ay isa sa mga anak ko. Mahigpit ko itong niyakap at umiyak sa kaniyang balikat. Humingi ang anak ko ng tawad sa pag-iwan niya sa akin. Pinatira na ako sa kanilang bahay at doon gumaan ng kaunti ang buhay ko. Pero may lungkot pa rin ako dahil wala na ang minamahal kong apo. At noong isang gabing iyon habang natutulog, may boses ng isang magandang lalaki na puti ang suot at may pakpak sa likod, anghel. Sabi niya, "Lo, pagsamantalahin ang buhay dahil  minsan lang ang kaligayahan..." 

Sunday, July 1, 2012

Ang Tunay na Pilipino



Ang Tunay na Pilipino
Juan Marcus Luna

Natanong mo na ba sa sarili mo,
kung ikaw nga ay tunay na Pilipino?
Nagduda ka ba,
sa nasyonalidad mo?

Marami sa atin
Ingles ang kaadelantaduhan
Dahil ba ito sa impluwensyang dayuhan?
O dahil sa kaartehan?

Ating sariling pagkain
tinitikman mo ba?
Baka naman ang nanay mo’y naghahain
ng pagkaing banyaga.

Ang bansang ito’y kilala
para sa sining at musika
Di ka ba nahihiya?
Sa walang kuwentang kantang iyong pinakikinggan?

Tingkabin ang iyong mga mata at tingnan
ang mga marilag na tanawin na sa atin lamang matatagpuan
Patunayan mo
na tunay ngang mas masaya sa Pilipinas,
ang lupang sinilangan mo.

Monday, April 9, 2012

Easter Sunday.

 Nagsimula ang Easter Sunday ko sa malakas na pagkatok ng lolo ko sa pinto. Sabi niya na kakain daw kami sa KFC. Sobrang nainis ako dahil nakakasawa na ang manok lalo na ang KFC. Dahil doon, walang lasa ang manok na kinain ko sa KFC at yung kanin sobrang malasa kaya na-overpower niya yung lasa ng manok kahit gaano pa kadaming gravy ang inilalagay ko. Unang nakasaira sa araw ko ang tanghalian ko sa KFC. Sumunod, nagsimba kami (as usual dahil Easter Sunday). Sa puntong natapos na ang Misa, kumain kami ng Fishball at Barbecue sa tabi-tabi. Natuwa naman ako na nakakain ako ng katakam-takam na pagkain. Tumungo pamilya ko sa Eastwood para kumain ng merienda at magtingin-tingin. Nag-merienda kami sa McDonalds kaya mas natuwa pa ako dahil paborito ko ang McDo. Ang problema lang sa Eastwood ay napakaraming tao dahil may Easter Egg Hunt pa silang ginawa para sa mga bata. At ang napakasarap na nakain ko sa buong araw na iyon ang Steak sa House of Mini's sa Libis :) Siguro yun lamang ang naging highlight noong araw na iyon. At matapos na kaming mag-dinner. Nag-inuman pa ang mga magulang ko. Umabot kami ng 1am doon. Sa katapusan ng araw na iyon, napangiti ako sa napakasayang Easter Sunday! :)

Sunday, April 8, 2012

Sta. Clara

Sister of The Order of St.Clare praying to the relic


March 31 bumisita ang relic ni Sta. Clara sa Parish namin. Sinasabing miraculous si Sta. Clara at nakasasagot siya ng mga hiling mo. Mayroong certain aura kapag nalalapitan mo ang relic. Parang light feeling. Yung rason lang talagang nadoon ako kasi niyaya ako ng magulang ko para magbigay pasasalamat at humingi ng tulong for our personal problems in life. Binigyan kami ng kapiraso ng tela at ito ay dapat ipahid sa relic. Hopefully my prayers will be answered through Saint Clare :-)

Liham Para Kay Ina.

Liham Para Kay Ina…
-kathang-isip ni Juan Marcus Luna-
Minamahal kong Ina,
                  Kamusta na Nay? Sana’y gumagaling ang kalagayan mo. Sana naman naaalagaan ka ni Kuya.
                   Nais ko lang po na magpasalamat. Magpasalamat sa simpleng bagay na binibigay mo sa akin kahit ‘di naman ito galing sa puso. Salamat na pinaaral mo ako, pinakain, binilhan ng damit at mg pangangailangan ko. At least alam ko na may concern ka din sa akin kahit di naman ako paborito mong anak. Naalala mo ina? Noong maliit pa ako? Ako lang sarili ang nagluluto ng almusal ko. Isipin mo? Maliit na bata, nagluluto na? Nakakahiya pa nga pag nakikikain ako sa hapag-kainan kasama si Kuya, Tatay at ikaw. Pakiramdam ko, parang multo lang ako. Di nakikita, di naririnig, di nararamdaman. Naalala mo pa ba noong napaso ako habang nagluluto ng itlog isang araw? Napaiyak pa nga ako eh. Pero sabi mo lang, ‘dahan-dahan lang’. ‘Di ka man lang nag-comfort sa akin. ‘Di mo nga ako tinawag na ‘Anak’ kahit pangalan ko parang balewala dahil ‘di naman nagagamit sa bahay. Diba noong akoy sampung taong gulang at si kuya ay labingdalawa, nag-away kami. Pinagalitan mo ako kahit alam ko na si Kuya ang pasimuno ng away. Mula noon, ‘di ko na pinansin si Kuya. Halos buong buwang iyon, iyak ang nagpapatulog sa akin. ‘Di man lang ‘good night’ sa kaninumang nasa bahay. Hindi ko naman makakalimutan noong nag-hire ka ng yaya. Si yaya lang ang pinakamalapit sa aking puso. Siya na ang kaibigan, kapatid, lolo’t lola, tito’t tita at magulang ko. Siguro naman naalala mo ang family reunion noon. Sabik na sabik mong ipinakilala sa kamag anak ang pinakamagaling, pianakaguwapong, pinakaperfect mong anak si Kuya. Wala akong kilalang kamag-anak hanggang ngayon dahil ‘di mo man lang ipinakilala ako sa kanila. Imbis na makipaglaro sa mga pinsang ‘di ko man lang kilala noon, nakipagkuwento nalang ako kay yaya doon sa labas.  Akala pa nga na dinala ni yaya ang anak niya pero parang totoo naman yun kasi nagsinungaling ka na ‘di mo ako anak at anak ako ni yaya. Si yaya na nga lang ang lahat ko. Siya ang nagpapasaya sa akin. Minsan pag binibigay mo na ang suweldo ni yaya, pupunta kaming dalawa sa parke at magkaka-picnic. Kaunti lang naman ang gastos noon. Kaya ang natira ipinapadala niya sa mga anak niya sa Pampanga upang makapag-aral. Sobra nga ang pag-iyak ko noong umalis siya upang mag-Pasko sa Pampanga. Isipin mo Pasko noon malungkot ako. Kinatuwa ko nalang noong bigyan ninyo ako ng sapatos. Masasabi ko nalang sa iyo inay na salamat na nag-care ka pa rin para sa future ko at pinaaral mo ako sa magandang paaralan. Matutuwa nalang ako pag nakikita ko si yaya sa labas ng waiting shed paminsan-minsan. Pero minsan, sumasakay nalang ako ng trycicle dahil may pinagagawa ka kay yaya sa bahay. Dati pinagalitan mo si yaya sa sobrang pagkainis ko sinabi ko sayo, ‘tigil na po’ na medyo pasigaw pa ang tono. I was expecting a sermon from you pero ano ang nakuha ko sayo? Wala. Parang walang nangyari sa pagitan ninyo ni yaya. Matutuwa nalang siguro ako kung pinagalitan mo ako dahil at least maririnig ko ang boses mong naka-adress sakin. Pinakamalungkot na parte ng buhay ko ang pag-alis na ni yaya forever. ‘Di ko matanggap yun pero naunawaan ko naman kasi ‘di naman niya ako tunay na anak. Matapos ang pag-alis ni yaya, pianangako ko na pagkatapos na magtapos ako ng college, titira ako sa Pampanga. Kasama si yaya at mga anak niya. Nabigla na lang ako na noong graduation ceremony ko, bigla na lang dumating si yaya. Niyakap niya ako ngmahigpit. Isang yakap na ‘di ko nakuha sayo. Well at least now, pareho kayong ni yaya ang nabibigyan kong pera upang makabili ng gamot. Si yaya, lubha ang pasasalamat sa akin pero ikaw, wala man lang sinasabi. Not even a simple ‘thanks’ or ‘salamat’. Well siguro at this point ayaw mo na basahin tong letter na ito na isinulat ng anak mo. To close this letter, I just want to say na, thank you nay and even if you don’t love me, I love so so much with all my heart. I hope that even in these last moments of your life, I would finally hear my name coming out of your voice and a warm embrace I have been waiting for all my life. I love you so much Nay. Please give me your love…              
Minamahal,
Iyong Anak.

Friday, April 6, 2012

Holy Week.

Holy Thursday: Visita Iglesia: Ito yung pinaka-unang  Visita Iglesia ko. Sa akin, nakakapagod ang Visita Iglesia lalo na kung napakainit ang panahon. Naalala ko na sakripisyo ito kaya 'di na ako nag-complain tungkol sa init. Buti na lang sa kahulihan ng Visita Iglesia, nakabili ako ng Zagu na nakapagpalamig sa mainit kong ulo.


Good Friday: Minsan lang ako nasa Maynila tuwing Mahal Na Araw. Nabighani ako ngayong araw ng Good Friday nang makita ko na napakaluwag ng Katipunan Ave. na usually ay dinadaanan ng napakaraming sasakyan lalo na mga truck. Nakakatuwa palang makita ang mga kalsada na usually puno ng kotse, na maluwag. Other than maluwag ito, mahangin din. Mas natuwa ako nang makita ko ang Commonwealth din ay napakaluwag. Ang makakadagdag sa mababang kaligayahan ko ay ang pagpunta ko sa bagong renovated na bahay ng tito ko. Since it was Good Friday, ang merienda ko ay Tuna Carbonara na 'di ko masyadong nakakain. ;)

Wednesday, April 4, 2012

“Mas Masaya Sa Pilipinas” (It’s More Fun In The Philippines)

Mas masaya nga ba?
Sa Pilipinas at ang lungsod nito na Maynila?
O mas kay ganda,
Ang mga Pilipinang dalaga?

Makasaysayan nga
Ang bansang ating sinta
Subalit ito ba’y inaalagaan?
Ng ating tamad na pamahalaan?

Kilala tayo bilang isang marikit na kapuluan
Puno ng taong mahilig magsayahan
Kahit pa’y bagyo nakasalanta,
Kumakaway pa rin sa camera ng media

Tag-init ang pinaka kinasasabikan
Bata man o matanda ay mahilig maglanguyan
Sa buhangin man o dagat
Nahihigit nito ang kasiyahang sapat

Di man isang segunda klaseng bansa
Ito ay binibisita ng mga taong banyaga
Wika’y ating sarili
Maiintindihan kahit pa ika’y pipi

Pero pang turismo lang ba ang kampanyang ito?
Para sa turista nakakaaliw lamang ito
Pero ang Pilipino’y alam
Na ito’y di hihigit ng kahulugan na kasingaan ng langgam

Kasabihang Pilipinas Mahal Ko
Umiinog pa sa ating mga ninuno
Ating ituloy ang kasabihan
Para ‘di mapapawi ang kahulugan
Na Pilipinas, angking tahanan


 -WAKAS-

Bakit?

Bakit tayo bumibili ng mamahaling selepono para lamang makapag-Twitter at Facebook?

Bakit tayo nagsusuot ng pekeng Ray Ban na salamin na maaaring makasira sa ating mata?

Bakit tayo umiinom ng vodka kahit menor de edad pa lamang?

Bakit tayo bibili ng mahal na camera para lamang kumuha ng litrato ng basura?

Bakit pa tayp naniniwala sa mga "1 Like=1 Dollar donation" kung alam naman natin na walang mangyayari?

Bakit natin tinitweet kung nasusunog ang bahay o lumilindol?

Bakit tayo umiinom pa ng 'Milk Tea' kung allergic ka naman dito?

Bakit tayo gumagamit ng Apple at Blackberry imbis na kainin ang prutas?

Bakit tayo nakikinig sa mga kantang wala namang saysay?

BAKIT? BAKIT? BAKIT?

Tuesday, April 3, 2012

Semana Santa

Ito nanaman ang panahon na pinaka kinasasabikan ng bawat Katolokong Pinoy. Ang Semana Santa o Holy Week. Panahon ng pag-iiwas ng mga bagay na nakakadulot ng gulo sa ating buhay. Pero karamihan naman sa ating ay binabalewala ang pag-iiwas dahil karamihan ay abalang-abala sa pagpaplano ng kanilang pupunatahan kung sa loob o labas man ito ng bansa. Buti nalang ay 'di nalimutan ng aking pamilya na mag-iwas sa mga bagay na nakakagulo sa buhay. Inisip kasi namin na huwag na makisabay sa mga nagbibiyahe sa NLEX. Hindi naman kami makaka enjoy ng aming roadtrip dahil sa maraming kotseng nakapila upang magbayad ng toll. Inisip nalang namin na magbiyahe na lamang sa Mayo kung kailan kaunti na ang nagbibiyahe patungong probinsya. Alalahanin natin na ang Semana Santa ay 'di lamang panahon ng mahabang bakasyon. Ito ay panahon upang tayo'y humingi ng patawad sa Panginoong Maykapal sa mga kagaguhan na ginawa sa ating buhay. Kaya wag na tayo maghintay ng isang araw sa Bus Terminal upang makabili ng ticket at mag-sisikan sa bus. Pero pag 'di talaga maiwasan na magbiyahe, masasabi ko na lang na sana masaya ang Semana Santa ninyo! ;)

Isang Araw Sa Maynila...


Ako'y pumunta sa Lungsod ng Maynila
Upang pumila sa Itim na Nazareno
At nang naroon, narining na rin ako ng misa
sa matandang simbahan sa Quiapo

Pagkatapos noon, bumisita ako sa
makasaysayang pook ng Intramuros
Doon nakita ko ang mga pinagtapakan
ni Rizal nang siya'y papaalis sa kanyang kulungan
Nakita ko rin doon ang damit at ang mga sulat na kaniyang
ginamit sa kaniyang natitirang mga araw

Matapos noon, pumunta naman ako sa masayang Manila Zoo
Nakita ko ang mga hayop na naglalakihan at ang mga ibon naman
na puno ng magagandang kulay
Doon nalaman ko kung gaano ka importante ang kalikasan
para sa atin at ang mga hayop na rin

Panghuli, ako'y bumisita sa Luneta upang makita ang
mataas na monumento ni Rizal
Doon din matatagpuan ang pinakamataas na tagdan ng watawat ng Pilipinas
Marami akong nakain na pagkain doon habang pinapanood ang fountain na sinusunod ang tugtog ng
musika na inilikha ng mga Pinoy.

Sa isang araw na iyon nakita ko ang kahalagahan ng ating bansa
Nalaman ko na kailangan natin isapuso ang ating kasaysayan at ang 
ating nasyonalidad.

Kaya'y tayong mga Pilipino ay dapat tangkilikin ang kahalagahan ng ating bansa
Mabuhay ang Pilipinas! :-)

Ang Tunay Na Pilipino


Ang tunay na Pilipino ay dapat mapagmahal
sa Diyos
sa pamilya 
at sa Bayan na kaniyang pinahalagahan

Ang tunay na Pilipino ay dapat may respeto
sa mga matatanda
sa mga hayop
at sa kapwa Pilipino na inilikha ng Panginoong Maykapyal

Ang tunay na Pilipino ay dapat nagbibigay halaga
sa kaniyang gamit
sa kaniyang sarili
at sa watawat na sumasagisag ng ating kalayaan

Kung lahat tayo ay ganito
matatawag tayong tunay na Pilipino
sa puso
sa isip
at sa gawa