Tuesday, October 30, 2012

Ospital.

OSPITAL.
Larawan ay nakuha sa: iceycodez.blogspot.com
Nilagnat ako. Nagtagal ito ng ilang araw kung kaya't dinala ako sa ospital. Matanda na ang ospital. Nakakadiri tuloy ito tingnan. Sinabi ng doktor na kailangan kong manatili sa ospital ng iilang araw upang mapasuri nang mas maayos. Ang kapatid kong nakatatanda ay nagsilbing taga-bantay sa akin dahil ang magulang namin ay pumuntang Cebu para sa trabaho. Kadalasa'y wala ang aking kapatid dahil kailangan niyang pumasok kung kaya't naiiwan ako sa kuwarto. Isang gabi ay bigla ako nauhaw. 'Di ko na ginising ang kapatid ko dahil maaga pa siya papasok bukas. Lumabas ako dala-dala ang sabitan ng dextrose. 'Di ako napansin ng mga nars dahil may inaabala sila. Pumunta ako sa pantry upang kumuha ng tubig. Nainis ako dahil ubos na ang tubig sa dispenser. Kailangan ko pa tuloy bumaba ng isang palapag upang kumuha na lamang ng tubig doon. Kakaiba yung palapag na kinunan ko ng tubig. Madilim siya. Mga dalawa o tatalong ilaw lang ang nakabukas. Tapos, dalawa lang ang nars sa front desk na sobrang tahimik. Wala kang maririnig kundi ang mga telebisyong nakabukas sa mga kuwarto. Medyo ako natakot sa palapag na iyon dahil ako lang ang nasa labas subalit, 'di man lang nila ako pinansin. 'Di naman sila mukhang abala. Sumakay muli ako sa elevator upang bumalik sa kuwarto. Pero, di ako nakarating sa palapag ko. Napunta ako sa mas mababang palapag. Doon naman, lahat ng ilaw ay nakabukas at maraming tao pero sobra namang tahimik tapos yung suot nila ay parang pang-sinauna pa. Natakot ako ng todo kaya agaran kong sinara ang pinto ng elevator. Buti nalang ay nakarating na ako sa palapag kung saan ang kuwarto ko. Ngayon, 'di na abala yung mga nars at nagulat sila sakin. Tinanong nila ako kung bakit ako nasa labas. Sabi ko naman ay kinailangan ko ng tubig pero wala kung kaya't pumunta ako sa baba. Pinagalitan nila ako na may halong takot ang tono. Sinabi nila bakit ko daw ginawa yun sa oras na ito. Sabi ko naman ay wala akong alam. Sabi ko, napansin ko lang na sobrang tahimik at kaunti ang nars tapos madilim. Kinuwento ko din sa kanila ang pagpunta ko sa mas mababang palapag na may maraming tao. Nagalit pa sila lalo sa akin. Sinabi nila na dapat 'di ko daw gawin yun. Tinanong ko kung bakit. Nagkatinginan sila sa isa't isa at may isang lumapit sa akin. Kinuwento niya na ang ospital na ito ay ginamit noong WWII. Marami daw namatay dito at dahil sa madami nang patay na katawan, kinailangang ilibing mismo sa lupa ng ospital ang mga katawan. Kinilala ang mga ito bilang 'lost souls' dahil wala man lang silanmg pormal na libing at walang mitso. Marami tuloy na mga multo ang naglalakad sa mga palapag ng ospital lalo na daw sa dalawang palapag na napuntahan ko. Ang mga inakala ko daw na nars ay patay na at wala talagang nagbabantay sa palapag na iyon. Doon naman sa maraming tao na nakita ko ay ang mga taong nawalan na ng buhay sa ospital. Ang pinaka nakakatakot ay nang sabihin nung nars na wala talagang palapag na ganun sa ospital. Matagal nang sarado ang palapag kung saan nakakita ako ng maraming tao. Yung oras daw na iyon ay kung saan nagmumulto talaga ang mga multo ng WWII at binubuhay muli ang palapag na iyon. Gabi-gabi ay pinagdadasalan ng mga nars na iyon ang mga 'lost soul' na hindi sila saktan at magsilbi sana ang mga 'lost soul' na tagabantay sa ospital. Sumali ako sa pagdadasal nila hanggang magising na ang kapatid ko. 'Di ko namalayang umaga na pala. Bumalik ako sa kuwarto at natulog buong umaga. Pagkagising ko ay muling sinuri ako ng mga nars at doktor at sinabi nilang wala na akong sakit.

No comments:

Post a Comment